About the Artwork/s
Ang detalye sa pagbuo ng isang mukha ay nakikita ko na kahalintulad ng isang mapa o mga lupaing inuugatan ng in-dibidwal at pagiging parte nito sa kanyang kinabibilangan. Sa personal na pananaw, ang mga detalye ay alaala ng ibaibang lokasyon sa mga pagpapalipat-lipat at pagkilala sa mga lugar na napuntahan at naging pansamantalang tahanan.
Paulit ulit na paghahanap ng prosesong aakma sa isinasalarawan. Ukit sa papel gamit ang scalpel o surgical knife, pag-gupit, pagpaso ng tela gamit ang panghinang at pagpapalabas ng imahe galing sa stencil gamit ang apoy at agiw ang ilan sa mga naging proseso ko sa produksyon.
Sapin-sapin ang pagkakatagpi ng ninanais iparating sa tumitingin ng mga mukha at tanawing sumasalamin ng pagkagu-ho at pagkawasak. Madilim ang simbolismo ng kapangyarihan, dahas at kamatayan ng mga naghaharing uri at liwanag o puti, sa anyo ng kasaysayang binubuo nating mamamayan.
May temang parody o katatawanan ang paggamit ko ng mga mukha ng politikong nakapaskil sa mga daan, nakakalito ang gamit ng matitingkad na kulay sa ipinamumukha ng mga personalidad na ito sa tuwing may eleksyon, nilalansi ang mga tao para sa mga makasariling ambisyon. Mukha ng mga payasong mapagsamantala.
Ang malikhaing paggawa ay gabay sa pagkilala ng mga katayuan ng kinapapalooban. Nakakapagbukas ng kama-layan sa maraming anyo at nakakapagpanatili ng makabuluhang kritikalidad. Sa panahon ng kabalintunaan sa midya at pagpapahayag, higit na may silbi ang pagkamalikhain para sa alternatibong impormasyong maaaring taglayin ng likhana may silbi sa kapakanan ng nakararami.
Hindi matatapos ang pag aaral ng kasaysayan at ang walang katumbas nitong halaga sa nagiging talas na ambag nito sa paglikha ng sining.
– Frances Abrigo
About the Artist
Frances Abrigo (b. 1991) Naging simulain ko sa paglikha ng sining biswal ang natutunang kaalaman sa tradisyunal na silkscreen printing, hang-gang sa maimpluwensyahang gumawa ng mga stencil prints sa kalsada ng aming bayan sa Sorsogon. Pagkakataon para matuto sa eksplorasyon ng pag-ukit sa papel at mailipat ang imahe sa mga pampublikong lugar. Naging bukas ako sa integrasyon sa mga nakakasalamuhang laman ng kalye, kung kaya naman naging parte ang mga mukha ng kwento sa pagbuo ng isasalarawan. Reaksyon sa paligid, emosyon na bitbit ng nakararami at ang lantad na kahirapang nakasaklob sa araw-araw, ang detalye na iniuukit. Larawan ng mga katutubong nagbakwit, mga bilanggong politikal at mga pangmasang organisasyon na biktima ng impunidad at karahasan ng estado ang mga agarang ipinapanawagan para maipaalam sa malawak ang pagtugon ko bilang manggagawa ng sining biswal. Nais itawid ng aking mga gawa ang mapabilang sa pagbibigay naratibo ng nagpapatuloy na pakikipagtunggalian ng Pilipino sa pagbuo ng kakanyahan sa politika at kultura ng paglaban.